Problema talaga kapag bayaran na ng tuition fee at wala pang binibigay si mommy o daddy na pang bayad. Bukod sa mga assignment, projects at mga exam, aminin man natin o hindi, isa sa mga problema natin ang pera. Ang hirap ng kolehiyo ano? Pero paano nga ba tayo magkaka extra income kahit tayo ay nag-aaral pa? Heto ang ilan sa mga tips para kumita ka ng Pera:
1. E-loading Business. Maliit na puhunan lang ang kailangan at may e-loading business ka na. Kaunting impok lang ay may pang puhunan ka na. Walang lugi ang sideline na ito lalo na kung marunong kang magpalago ng maliit na puhunan at lalo pa kung marami kang kaibigan o kakilala na nangangailangan ng serbisyong ito. Sino nga bang pinoy ang walang cellphone, sa maniwala ka't hindi sa sampung pinoy, iisa lamang dito ang hindi marunong mag text. Extra income hindi ba naman?
2. Tuwing exam, pansinin mo kung ilang estudyante ang nanghihingi ng papel at nanghihiram ng ballpen sa'yo. Ang dami nila, kung magbibigay ka, ikaw na ang bayani. Pero kung marunong ka sa pera, hindi sa pagdadamot ay maaari ka ring kumita ng extra income kung ipagbibili mo ito. Magsimula kang mamuhunan sa pagbebenta ng yellow pad at ballpen. Extra income ulit.
3. Sa kolehiyo, marami sa estudyante ang naghahanap ng murang pagkain, kung ako sa'yo ay magsimula ka nang matutong gumawa ng masarap na sandwich at ipagbili ito sa iyong mga kaklase o ka-skulmeyt sa murang halaga. Isa pang extra income yan.
4. Mahilig kang magsulat? alam mo bang marami sa internet ang pwede mong pagkakitaan dahil diyan. Maaari kang sumali sa mga online article publishing website katulad ng Triond, Squidoo, Bukisa, Wikinut at marami pang iba. O di kaya naman ay matutong magsimula ng blog katulad nito at kumita sa mga ad revenue program gaya ng Nuffnang at Google Adsense at iba pang affiliate marketing program gaya ng Markethealth. Yan ang mga extra income online na pwede mong salihan for free.
5. Ito pa, maaari ka ring sumali sa mga direct selling gaya ng Avon, Dakki, Natasha atbp. Matuto ka lang ng kaunti PR skills o kariñyo ay tiyak na magkaka extra income ka. Kaya mo ring gawin ang ginagawa ni Ma'am at Sir nung nasa elementary ka pa...hehehe...
Hindi ka man agad yayaman o sabihin na nating talagang hindi ka yayaman sa mga ito. Extra income pa rin itong maituturing at makakutulong upang makapagbayad ka sa iyong gastusin sa pag-aaral sa kolehiyo. Isa pang maganda rito ay ang mga ito ay hindi abala sa iyong pag-aaral katulad ng mga trabahong may fixed na schedule. O ano pang hinihintay mo? Huwag mo nang ipagpabukas pang isagawa ang mga tips na ito at baka maunahan ka pa ng iba.