Tuesday, November 2, 2010

TIPS PARA GANAHAN PA RIN ANG EMPLEYADO NA MAGTRABAHO

PARANG lalo yatang nakakabagabag ang araw-araw na balita na 'di gumaganda ang takbo ng ekonomiya.Hindi matiyak kung may pag-asa pa ang mga empleyado na makaahon sa kanilang kabuhayan dahil mababa ang sahod at kung minsan ay nagbabawas ng tao ang isang kumpanya, nababawasan na rin ang mga benepisyo at iba't-ibang kailangan ng mga trabahador.'Ika nga, sabi ng mga eksperto, paminsan-minsan, dapat ang kumpanya ay nagbibigay ng gantimpala at mabubuting salita sa kanilang mga tauhan upang sumipag ang mga ito sa kanilang trabaho at magkaroon sila ng sapat na motibasyon sa kabila ng hindi maayos na ekonomiya.

1. DIREKTANG POKUS. Ang pagrereklamo hinggil sa ekonomiya o ang kumpanya ay 'di nakagaganda sa pakiramdam ng isang empleyado at 'di nakasisigla ng kanilang espiritu sa pagtatrabaho. Sa halip, direkta ang kanilang pokus kung paano sila magtatrabaho at kung paano sila magtrabaho upang maabot nila ang layunin at mapunuan ang kanilang obligasyon.

2. MAGING MATAPAT. Hindi ka man transparent sa kanila, pero maging matapat ka hinggil sa kalagayan ng kumpanya lalo na kung umuunlad o nalulugi na ito. May karapatan ang bawat empleyado na malaman at dapat na updated sila sa anumang sirkumstansya o kalagayan ng kumpanya lalo na kung direkta silang apektado. Gayunman, sa halip na isa-isahin ang katotohanan na ang isang negosyo ay hindi maganda ang takbo, direktang ituon sa integridad ng kumpanya at kung paanong ang procedure at proseso ay mapag-iibayo at maging episyente sa panahon ng taghirap.

3. ITURING SILANG ISANG PAMILYA. Suportahan ang anumang social clubs na kanilang itataguyod, intramural sports teams at iba ang aktibidad na lalahukan ng mga empleyado upang lumakas ang relasyon at hikayatin sila na magtulungan at pagtiwalaan ang bawat isa.

4. IPAKITA ANG KATAPATAN. Kung ang kumpanya ay nasa balag na ng layoffs, pag-usapan sa iba't-ibang departamento at paraan ng mga empleyado na maaaring maiwasan. Sa pagbibigay ng oportunidad, lahat ng empleyado ay may kani-kaniyang kakayahan na mapanatiling maayos at mapagbuti ang trabaho.

5. PAKINGGAN ANG HINAING NG MGA EMPLEYADO. Magkaroon ng pagtatanong sa mga empleyado hinggil sa kanilang trabaho. Bukod sa pangangailangan sa salapi, tanungin sila kung paano pa nila mapapabuti ang kanilang trabaho at kung ano ang hindi nila gusto sa naturang trabaho. Isulat na lamang ito sa isang papel at hindi na pangangalanan at prangkang magbigay ng feedback upang umibayo ang kumpanya at ganahan sila sa pagtatrabaho.

6. MAGKAROON NG OPEN DOOR POLICY. Kailangang pakinggan silang mabuti pagdating sa mga reklamo, mga katanungan at malasakit ng empleyado. Walang sinuman ang nais na magtrabaho sa isang tao na ramdam nilang hindi sila nauunawaan at ang pinakamasama pa ay walang pakialam.

7. MAGDAOS NG TAUNANG X-MAS PARTY. Noong mga nakaraan, nabalitaan natin na halos ang ibang kumpanya ay hindi na nagdaraos ng Christmas Party dahil sa pagtitipid. Kapag ginawa ito, naghahatid ito ng pagkadismaya sa empleyado at iisipin nila na wala nang patutunguhan ang lahat ng ito. Maraming paraan para makatipid ng pera nang hindi kailangang magkansela ng anuman, halimbawa, puwede namang idaos ang party sa mismong opisina o isang recreational center kung saan puwedeng atasan ang mga empleyado na mag-contribute ng kanilang paboritong pagkain. Sa bahay o sa anumang recreational center.

8. BIGYAN SILA NG EKSTRANG ORAS NA MAKAPAG-OFF. Hindi mo man mabigyan ang iyong mga empleyado ng dagdag na sahod at bonuses, bigyan sila ng ekstrang araw na makapag-off nang hindi nababawasan ang bayad sa araw na iyon. Payagan sila na ilang ekstrang araw na bakasyon o payagan sila na mag-off matapos mag stress sa isang mabigat na trabaho. Hindi naman direktang bibigyan mo ng pera ang empleyado para maramdaman nila ang kaginhawaan.

9. LIBRENG TANGHALIAN. Konsiderahin ang pagbibigay ng libreng tanghalian kahit isang beses sa isang linggo. Iyong isang simple at mura lamang na parang kanin at gulay para madama nila ang importansya ng teamwork.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...