Tuesday, November 2, 2010

IBANG PARAAN PARA MAKAPAG-ARAL





Matapos kuwentahin ang mga gastusin sa pagbabalik-eskuwela sa panahon ng kawalan ng trabaho, ang kasunod na konsiderasyon ay kung saan kukunin ang perang pantustos sa pag-aaral.May ipon bang pera na maaaring ipandagdag sa mga gastusin? May nga ari-arian bang puwedeng ipagbili? Tandaang hindi dapat gamitin para rito ang pondo sa pagreretiro dahil mahihirapan nang kitain ang dapat sana’y tutubuin ng pera kung hindi ito gagalawin. Ang dapat sa ganitong sitwasyon ay ipagpatuloy ang pamumuhay na gamit ang pormula: “Kita bawasan ng ipon ay paggastos” o “ Income minus savings equals expenses.”





Maliban sa ipong pera, maaaring bigyan ng konsiderasyon ang mga sumusnod para makapag-aral:

1) Mag-aplay ng scholarship sa TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) o sa iba pang ahensya ng gobyerno o pribado na nagbibigay ng mga libreng edukasyon.


2) Mag-aral sa gabi o tuwing weekend o ‘di kaya sa pamamagitan ng internet online education. Sa ganitong paraan, maaari pa ring makapagtrabaho kasabay ng pag –aaral kahit pa medyo mas matagal ang proseso bago makapagtapos.

3) Sakaling hindi nawalan ng trabaho pero gustong makapag-aral, isa pang posiblengpantustos ay ang lumapit sa pinuno ng pinaglilingkurang opisina at hilingin kung maaari kang bigyan ng scholarship. Kung maganda ang record sa kumpanya at lubhang mahalaga ang trabahong ginagawa, maaaring pagbigyan ang pagnanais na madagdagan ang kaalaman at kasanayan.Posible ang sistemang tuition reimbursement pero maaaring kaakibat nito ay dapat tiyakin na hindi hahanap ng ibang trabaho pagkatapos makapag-aral o kailangang mangako sa kumpanya na mananatili sa kanila ng ilang taon pa matapos ang pag-aaral.

Huwag kalimutang dahil may karanasan na sa pagtatrabaho, magandang hingin ng payo ang mga naging amo, kaopisina o pati na rin ang mga naging tauhan. Makakatulong ito para mapabilis ang katuparan ng iyong inaasam na pagtatapos sa pag-aaral.

Dahil napagpasyahang magtapos ng pag-aaral habang may panahon pa, kalaunan ay makikita ang kabutihang dulot ng ganitong desisyon dahil magagamit mo ito para magkaroon ng pagkakataong makahanap ng mas magandang trabaho o mas mataas na sahod.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...