Nagsimula na ang pasukan sa eskuwela at maraming problema na naman ang kinakaharap ng mga magulang lalo na kung paano tuturuan ang mga anak na mag-ipon.
Noong bata pa kami, ang paniniwala naming mag-asawa ay pinakamainam na paraan para turuang mag-ipon ang aming mga anak ang pagbibigay sa kanila ng allowance na sapat lamang at hindi hihigit sa kanilang kailangan.Nagdadala naman sila ng baong pagkain na pangmeryenda at pananghalian sa kanilang pagpasok.Inihahatid-sundo sila ng school bus at pinadadalhan ng pocket money na angkop sa kanilang edad.Dahil hindi naman sapat ang kanilang pera para makabili ng mga bagay na gusto nila, natuto ang aming mga anak na mag-ipon at maging “wais” sa paggasta.
Ikinukuwento nila na may mga kaeskuwelang natutong maging maparaan para magkaroon ng kahit kaunting kita. Naghahanap sila ng mga basyo ng bote na ibinabalik sa tindahan kapalit ng pera. Natutunan din nilang magtrabaho upang kahit paano ay magkaroon ng mapagkakakitaan. Kapag tinatanong sila ng mga kaibigan at kamag-anak kung ano ang gusto nilang regalo, sinasabi man nila ang nais nila ay nagpapahiwatig naman ang mga bata na mas gusto nila kung perahin na lamang.
Ipinagbukas namin ang mga anak namin ng saving account mula sa totoong bangko at bukod pa rito, mayroon din silang “home bank” saving book. Sa ilalim ng home bank, idinedeposito nila sa amin ang kanilang ipon at tutumbasan namin ito ng kaukulang interes na 10% na mas mataas kaysa ibinibigay ng tunay na bangko. Naging insentibo ito sa kanila para magdeposito at limitahan ang pagwiwithdraw.
Higit na kumplikado ang mundo sa panahong ito kaysa noong bata pa ang mga anak namin. Pero ang lahat ng konseptong itinuro namin sa kanila ay angkop pa rin.
Pinakamabigat na suliranin ng mga magulang sa ngayon ay ang pagkakaroon ng maraming tukso sa mga bata sa kapaligiran. Isa pang nakapupukaw ng kanilang atensiyon ay ang telebisyon na nagpapakita ng kung anu-anong produkto na para bang lubhang kailangan sa buhay. Sa panahong ito, lalong mahalaga ang pagiging malapit ng mga magulang sa kanilang mga anak para magabayan ang mga ito at maturuan ng tamang pagpapahalaga. Ngunit ingatan na hindi magmukhang sermon ang pakikipag-usap sa mga anak dahil kung ganito ay hindi maiiwasang maging sarado ang kanilang isipan at hindi na makikinig sa mga pangaral.